30

By ,

Kouame, Cignal Ateneo kampeon sa D-League

Dinagit ng Cignal-Ateneo ang kampeonato sa 2019 PBA Developmental League nang palubugin ang Centro Escolar University 98-66 sa Game 4 ng best-of-five titular series Martes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nagsabwatan para sa opensa ng Blue Eagles sina Ivorian center Ange Kouame at Wil Navarro.

May 18 points at 16 rebounds si Kouame habang umambag naman ng 16 points at dalawang rebounds si Navarro.

Naramdaman din ang angas nina Thirdy Ravena, na may 15 points at apat na rebounds, at si Gian Mamuyac, na may 10 markers at apat na assists, para sa Blue Eagles.

“It’s good to win the championship. I think, you know our goals for the D-League or accomplished, we wanted to begin to develop our systems and try somebody other than our practice players or practice environment,” sabi ni coach Tab Baldwin.

“And now on to the next stage, go overseas, and really buckle down and get tough with the guys now and I think we kinda little bit cruising up to this point of time.”

First period pa lang ay umariba na ang Blue Eagles at muling sinamantala ang eight-man rotation ng Scorpions at tinarak ang 28-point cushion, 38-10, sa pagtatapos ng quarter at naalagaan nito ang kalamangan sa second period, 49-27.

Mas lalong nag-init ang mga taga-Katipunan nang dominahin nila ang third frame sa pag-angat ni Mamuyac at Isaac Go at itarak ang 79-47 na bentahe sa huling 2.5 seconds at pagdating sa fourth ay hindi bumitaw ang Blue Eagles at bumirada na sa kampeonato.

Bumandera naman para sa runner-up na Scorpions si Rich Guinitaran na may 20 markers at apat na boards.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?