16

By

Koreanong wanted sa iligal na droga, ipina-deport ng BI

Sharing is caring!

Isang South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa iligal na droga ang ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) matapos itong maaresto sa international airport sa lalawigan ng Cebu.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang puganteng dayuhan na si Oh Joohwan, 30 taong gulang, na nadakip ng mga immigration officer pagdating nito sa Mactan Airport sakay ng Air Asia flight mula sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Nobyembre 17.

Sinabi ni Morente na naipa-deport si Oh noong Nobyembre 22.

Si Oh ay ineskortan pa ng mga prosecutor at anti-drugs investigator ng Ministry of Justice ng South Korea sa kanyang pagbiyahe pabalik sa kanilang bansa.

Nang dumating sa Mactan Airport si Oh, lumabas sa BI database sa nasabing paliparan na siya ay wanted sa Korea dahil sa pagkakasangkot umano sa pagbebenta ng psychotropic drugs.

Sinabi naman ni BI Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas, na noong Oktubre 31 ay natanggap ng kawanihan ang red notice na inisyu ng Interpol laban kay Oh.

“We were supposed to book him on the first available return flight after he was intercepted but officials from the Korean Embassy requested that his departure be deferred pending the arrival of his escorts,” saad ni Mariñas.

Ayon sa mga awtoridad sa Korea, si Oh ay nagbebenta ng iligal na droga na “Philopon” sa pamamagitan ng internet.

Ang Philopon na tinatawag na murder drug, ang sinasabing dahilan ng pagtaas ng mga krimen sa Japan kung saan sangkot ang mga kabataan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?