32

Oct 2, 2017 @ 14:53

Koreano na wanted sa swinding, ipapa-deport ng BI

Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koreano na wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong swindling.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang puganteng dayuhan na si Park Petero, 41, na nadakip sa kanyang bahay sa Plaridel Street, Brgy Sto. Nino, Angeles City, Pampanga ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit.

Halos limang taon na umanong nagtatago si Park sa bansa para matakasan ang kaso na kanyang kinakaharap sa South Korea.

Ayon pa kay Morente, si Park ay naisyuhan na ng red notice mula sa Interpol batay na rin sa warrant of arrest na ipinalabas laban sa kanya ng hukuman sa Korea noong 2015.

“He will be deported for being an undesirable alien and for posing risk to public safety on account of his status as a fugitive from justice,” saad ni Morente.

Sinabi naman ni BI Intelligence Officer Raquepo, hepe ng BI-FSU, na ang huling rekord ng pagdating ni Park sa Pilipinas ay noon pang October 12, 2012 at mula noon ay hindi na ito umalis ng bansa.

Nag-ugat ang kaso laban kay Park matapos niyang takbuhan ang 60 million won na pagkakautang niya mula sa kapwa Koreano.

Ang halaga ay kanyang inutang para umano ipuhunan sa isang cosmetics business, kapalit din ng pangako na magbabayad siya ng 4-percent interest sa kanyang principal loan kada buwan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?