67

Jul 21, 2019 @ 17:14
By

Korean nasalisihan sa coffee shop

Natangay ng mga miyembro ng ‘salisi gang’ ang backpack ng isang Koreano habang umiinom ng kape sa isang coffee shop sa Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ni P/Capt. Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Sun Ok Kim, Korean national, 57-anyos, at pansamantalang naninirahan sa No. 53 Xavuerville Ave., Brgy. Loyola Heights, QC.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. George Caculba, ang insidente ay naganap dakong alas-1:00 ng hapon (July 20), sa loob ng Seattle’s Best Coffee Shop na matatagpuan sa Matalino St., Brgy. Central ng nasabing lungsod.

Kasama umano ni Kim ang kaniyang mister na nakilalang si Bae Jae Choul sa nasabing coffee shop para mag-coffee break habang nag-aaral at inilagay ang kaniyang backpack sa ilalim ng lamesa.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay minamatiyagan na sila ng limang kalalakihan na hinihinalang miyembro ng ‘Salisi gang’ na nagpanggap na mga kostumer at nang makakita ng pagkakataon ay saka pasimpleng tinangay ang backpack ng Koreano saka mabilis na lumabas ng coffee shop.

Ang backpack ay naglalaman ng P10,000 cash, Woon Master at iba pang mahahalagang dokumento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?