150
ABANTE tiklo jail arrested crime girl theft
Aug 22, 2019 @ 15:34
By

Korean nanakit ng recording artist, bagsak sa kulungan

Dinakip ang isang Korean national matapos magwala at saktan ang isang dalaga sa loob ng Resort World Manila nitong Huwebes ng madaling-araw sa Pasay City.

Sa detention cell ng Pasay City Police ang bagsak ng suspek na si Luk Perry, 30, isang tourist.

Kinilala naman ang biktimang si Shirley Del Rosario, 47, dalaga, taga-Taguig City.

Lumalabas sa report ng Pasay City Police, alas-3:15 ng madaling-araw nang arestuhin ng mga pulis ang nabanggit na dayuhan sa loob ng Resort World Manila sa Newport Boulevard.

Nabatid na bago maaresto ang nasabing dayuhan, nakatanggap sila ng tawag sa telepono hinggil sa ginawang pagwawala at pananakit ng dayuhan sa isang babaeng recording artist.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Villamor Police Community Precinct sa nasabing lugar kung saan naabutan pa nila ang pagwawala ng suspek.

Minura pa ng Koreano ang mga pulis na umaresto sa kanya.

Agad itong dinala sa nasabing himpilan ng pulisya at sinampahan ng kasong physical injury, oral defamation at alarm scandal sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?