131

Oct 26, 2020 @ 23:00
By

Korapsyon sa Phisgoc-Cayetano handang imbestigahan ni Go

Inihayag ni Senate committee on sports chairperson Sen. Christopher “Bong” Go na nakahanda siyang imbestigahan ang korapsyon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) nang pangunahan nito ang pag-host ng 2019 Southeast Asian Games.

“Kung merong magsasampa ng reklamo o resolution sa Senado, handa po tayo at hindi ako mag-aatubiling isagawa ang parallel investigation on the allegations against Phisgoc, on top of what the Ombudsman and the House of Representatives are doing now,” pahayag ni Go sa isang statement.

“Ang importante naman po ay malaman ng taumbayan ang katotohanan. Nagsabi naman po ang Phisgoc, PSC [Philippine Sports Commission], POC [Philippine Olympic Committee] at iba pang nag-organisa ng hosting natin noong 2019 Southeast Asian Games na handa silang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila,” dagdag nito.

Si dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang chairman ng Philsgoc, isang private foundation na tumutok sa preparasyon sa pag-host ng Pilipinas sa 20th SEAG noong Disyembre 2019.

Ginawa ni Go ang pahayag sa gitna ng panawagan ng ilang miyembro ng POC Executive Board na hindi nagsusumite ang phisgoc ng audited financial statement hinggil sa 2019 SEA Games.

Nakausap na rin umano niya ang Department of Budget and Management para matulungan ang PSC at Phisgoc ang mga hindi nabayarang utang nito sa mga supplier na sumali sa naturang event.

“Kung ano ang utang, dapat mabayaran. Obligasyon nila ito, lalo na ‘yung para sa mga maliliit na mga supplier at mga suweldo ng mga taong naghirap upang maging maganda ang hosting natin ng nakaraang SEA Games,” ani Go.

“Ibigay na kaagad dahil ayaw natin na ang mga ordinaryong Pilipino ang pumapasan sa kakulangan ng iilan na makapagbayad on time. Meron pa naman tayong pandemyang hinaharap at marami sa mga kababayan natin ang naghihirap din,” saad pa nito.

Nauna nang ibinunyag ng PSC na may utang pang P387 milyon sa mga supplier sa 2019 SEA Games.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?