65

Oct 27, 2017 @ 16:28

Kopya ng affidavit ni Ventura, hinihingi na ng MPD

Nakikipag-ugnayan na ang Manila Police District (MPD) sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) para sa kopya ng affidavit ni Marc Anthony Ventura, isa sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na respondent sa kaso ni Atio Castillo pero nagpasyang magsabi ng kanyang nalalaman sa nangyaring hazing.

Ayon kay MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel, kailangan muna nilang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga bagong pangalan na lumutang sa media na diumano’y pinangalanan ni Ventura sa kanyang affidavit na sangkot din sa initiation rites.

Nakausap na rin umano niya ang mga magulang ni Atio at ang kanilang abogado.

Kasunod umano ng paglabas ni Ventura ay lumakas ang loob ng mag-asawang Castillo, dahil kung talaga ngang nagsasabi ng totoo si Ventura, ang kanyang testimonya ay maituturing na direktang ebidensiya laban sa mga miyembro ng Aegis Juris.

Naniniwala rin umano ang abogado ng mga Castillo na mapapalakas ng paglantad ni Ventura ang kasong inihain nila laban sa mga miyembro ng fraternity na nag-recruit sa kanilang anak. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?