1,007

Nov 19, 2021 @ 18:14
By

Kontrobersyal na tatakbong kongresista kumalas sa Lakas-CMD

Isang kontrobersyal na kandidato sa pagka-kongresista ng Quezon City ang kumalas sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Sa isang pahayag, sinabi ng Lakas-CMD na nakatanggap ito ng impormasyon na umalis na ang negosyanteng si Rose Lin sa kanilang partido kahapon.

“After receiving her resignation letter, the Party regional chair for the National Capital Region communicated to the Commission on Elections (Comelec) today the Party decision to withdraw or revoke the Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) issued to Ms. Lin,” sabi sa pahayag.

Sa sulat na ipinadala ng Comelec, sinabi ni Lakas-CMD National Capital Region chairman at Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo na ikinokonsidera na nilang independent candidate si Lin at wala ng kaugnayan sa kanilang partido.

Si Lin ay tumatakbo sa pagkakongresista ng ikalimang distrito ng Quezon City.

Naging kontrobersyal si Lin matapos na madawit sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng anomalya umano sa transaksyon ng gobyerno at Pharmally Pharmaceutical Corp.

Itinanggi ni Lin na ang kompanyang Pharmally Biologicals kung saan siya nagsisilbi nilang corporate treasurer at incorporator ay may kaugnayan sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Naging kontrobersyal ang kanyang pahayag na natagpuan na lang niya sa kanilang garahe ang isang Lexus na nagkakahalaga ng P8.8 milyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?