42

Sep 29, 2017 @ 13:45

Kontrobersiyal na resolution, hindi itinago sa 7 senador

Nanindigan ang kampo ni Senador Kiko Pangilinan na hindi nila itinago sa iba pang senador ang kontrobersyal na resolusyon na humihiling na ipatigil ang mga pagpatay sa mga menor de edad sa gitna ng kampanya kontra droga.

Ayon kay Atty. Herminio Bargo III, chief of staff ni Pangilinan, ginawa nila ang lahat ng hakbangin upang maipadaan sa lahat ng mga senador ang Senate Resolution 516.

Isinalaysay ni Bargo na noong September 20, nakalagda na ang 16 na senador sa resolusyon subalit hindi ito agad inihain ni Pangilinan.

Sa halip, ipinadala nila kinabukasan ang kopya ng resolusyon sa pamamagitan ng electronic mail kina Senador Richard Gordon, Gregorio Honasan, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri at Majority Leader Vicente Sotto III.

Ito anya ay upang ipaalam sa senador ang resolusyon, ang mga lumagda at kung nais nilang mag-sponsor din dito.

Iginit pa ni Bargo na nakatanggap pa sila ng acknowledged receipt mula sa tanggapan ni Gordon.
Inihain anya nila ang resolusyon tatlong araw matapos ang pag-eemail sa ibang senador at kinabukasan ay binasa na ito sa plenaryo at inirefer sa kumite nina Senador Risa Hontiveros at Panfilo Lacson.

“It should be noted that no one manifested desire to be a co-author of the measure,” pahayag ni Bargo nang ito anya ay inilatag sa plenaryo.

Binigyang-diin ni Bargo na malinaw na wala silang intensyon na itago ang resolution sa pitong senador na hindi nakalagda at sinunod nila ang mga regulasyon sa senado.

“And most importantly, the Senate is showing that it cares to find justice for victims of all extrajudicial killings,” dagdag pa ni Bargo.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?