68

Nov 16, 2019 @ 16:04
By

Kontrata ng kuryente sa Zamboanga, inireklamo kay Cusi

Dumulog na ang mga residente ng Zamboanga City kay Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagpupumilit ng National Electrification Administration sa diumanong iregular na kontrata ng Zamboanga City Electric Cooperative Inc. (Zamcelco) at ng Crown Investment Holdings Inc.

Ayon sa National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore), inirekomenda na ng legal services ng Department of Energy na ipa-bid ulit ang investment management contract na ibinigay sa Crown Investment Holdings.

Sumulat ang Nasecore kay Cusi nung October 16 para ireklamo si DOE Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na pinawalang-bahala ang findings ng legal services na ang kontrata ng Zamcelco at Crown Investment ay “null and void ab initio” kaya’t inirekomenda nitong ulitin ang bidding.

Inaprubahan ng National Electrification Administration (NEA) ang IMC ng Zamcelco at Crown Investment nung October 5, 2018.

Si Fuentebella ang humahalili kay Cusi sa NEA Board bilang alternate chairman.

Sumulat na ang legal services ng DOE kay Cusi para ipaalala na iligal ang pagkakabigay ng kontrata sa Crown Investment dahil labag ito sa guidelines ng bidding para sa mga electric cooperatives at hindi rin maaaring kuhanin ng board ng Zamcelco ang papel ng special bidding and awards committee.

Sinampahan na ng kaso ang mga opisyal ng Zamcelco sa Ombudsman ng mga taga-Zamboanga at iba pang mga consumer sa paniniwalang pamamahalin ng diumanong iligal na kontrata ang kuryente sa kanilang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?