49

By

Kontrata ng 3rd telco sa AFP, puwedeng bawiin – Panelo

Maaaring bawiin ng gobyerno ang kontrata ng Dito Telecommunity sa mga itatayong towers sa military bases sa bansa kung makokompromiso ang pambansang seguridad.

Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng pinasok umanong kasunduan ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Phillippines (AFP) sa Dito Telecommunity (dating Mislatel) para magtayo ng communication towers sa mga kampo militar sa buong bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakatitiyak siyang kumikilos na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon para tingnan ang concern ng ilang mambabatas at ng publiko hinggil dito.

“If it involves national security then this government can do something about it. I’m sure the DND Secretary and Mr. Esperon will be undertaking measures to respond to that concerns,” ani Panelo.

Nag-text na aniya si Lorenzana sa kalihim at aalamin nito kung sino-sino ang nakipag-deal sa Dito Telecommunity para magtayo ng mga tower sa mga kampo.

Hidi aniya alam ni Lorenzana ang hinggil sa isyu kaya malalaman kung sino ang nagbigay ng go signal para magtayo ng mga tore ng telco.

“The DND Secretary texted me about it and said he doesn’t know anything about it and he is going to investigate and ask the concerned people involved in the deal. So, we will wait for his findings,” dagdag pa ni Panelo.

Nauna rito nagpahayag ng pangamba ang ilang senador na baka magamit sa espionage ang pagtatayo ng communication towers at makuha ang mga mahahalagang impormasyon ng gobyerno lalo pa at ang isa sa mga kasosyo sa third telco ay isang Chinese company.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?