2,018

Jan 27, 2020 @ 14:54
By

Kontra coronavirus: Kilawin, exotic food iwasan – DOH

Payo ng Department of Health (DOH) sa mga Pinoy, tigilan muna ang pagkain sa mga exotic o hilaw na pagkain, tulad ng kilawin, ngayong parami nang parami ang nagkakasakit sa novel coronavirus (2019-nCoV).

“Rule number 1, never eat raw meat. Maraming pwedeng sakit pong pwedeng ibigay iyan sa atin. ‘Yang mga kilawin, tigil na muna natin ‘yan. Kasi maraming mikrobyo din ‘yan,” paalala ni DOH Secretary Francisco Duque III sa isang press briefing sa Malacañang ngayong Lunes, Enero 27.

“Yung mga ahas, ‘yung mga bayawak, ‘yun pong mga lizards, ‘yan mga ‘yan kinakain. Ginagawang adobo. Masarap, nakatikim na ako pero lutong-luto. Talagang kailangang iluto mo kasi sensitive naman itong mga coronaviruses sa init. So pagka I think 53 degrees Centigrade, they will be neutralized,” wika pa niya.

Paliwanag pa ng kalihim, maraming sakit ng tao ang nanggagaling sa mga hayop, gaya ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), human immunodeficiency virus (HIV), acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), African swine fever (ASF), at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).

“Marami pong mga sakit ang tao na nagsimula po sa hayop, zoonotic transmission kung tawagin. ‘Yan pong SARS, nanggaling po sa civet cats. Ang HIV/AIDS nanggaling sa mga chimpanzees. Ang ASF galing po sa baboy. Ang MERS-CoV, originally from the bats tapos pumunta sa camel,” ani Duque.

Nagmula ang 2019-nCoV sa Wuhan City sa Hubei, China, kung saan talamak ang bentahan at pagkain sa mga exotic na hayop gaya ng paniki, ahas, at wolf puppies.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?