140

Nov 28, 2019 @ 17:11
By

Konstruksyon sa firing range ng SEA Games walang ECC – SBMA

Kinumpirma ng pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na walang permit kagaya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang proyektong minamadali sa dating Explosive Ordnance Disposal (EOD) sa West Ilanin Forest sa Subic Bay Freeport.

Ayon sa inilabas na statement ni Amethya dela Llana, manager ng SBMA Ecology Center at OIC-Senior Deputy Administrator for Regulatory Group, ang kontratista umano ng proyekto ay ang CFV ARAR Contractors, Phils., Inc., na siyang nanalong bidder para sa konstruksyon ng Shotgun Shooting Range Field sa Naval Magazine area.

Inutos ang konstruksyon sa proyekto para sa SEA Games Clark Cluster pero noong Setyembre 18, 2019, inendorso ng Phisgoc ang proyekto sa Subic Cluster para sa implementasyon.

Naglabas naman ang SBMA Ecology Center ng Notice of Violation sa project contractor noong Nobyembre 22, 2019 matapos ang isinagawang on-site inspection dito noong Nobyembre 21, 2019.

Lumabas na malawakang clearing at grubbing operations ang ginawa sa lugar sa kabila na wala itong kaukulang environmental permit.

Sa kabila na ang konstruksyon ng kontratista ay para sa national government project, mapapanagot pa rin ito sa paglabag sa kawalan ng permit at oobligahin ng SBMA na sumunod sa compliance.

Kaugnay ito ng pagkabahala ng ilang mga dayuhang residente at negosyanteng malapit sa lugar na maaaring makaapekto sa kalikasan at kapaligiran ang proyekto na minamadali ng gobyerno na sinasabing pasok sa protected area sa loob ng Freeport Zone.

Matatandaan na maagang naglabas ng pahayag si SBMA Ecology Center Chairman and Administrator Wilma Eisma na ang lahat ng mga lugar para sa pagdarausan ng SEA Games sa Freeport ay handa na.

Nasa 17 mga laro ang nakatakdang ganapin sa Subic, gayong ang ilang mga lugar ay tinatrabaho pa rin.

Sinabi naman ni Robert Gonzaga, President at CEO ng Subic Bay Maritime Exploratorium Inc., silang mga negosyante na mayroong negosyo sa West Ilanin Forest ay sumailalim sa mahigpit na proseso para makakuha ng ECC para mapangalagaan ang kapaligiran dito kabilang ang Ocean Adventure, Zoobic Safari at Kamana Resort.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?