249

Nov 28, 2019 @ 14:45
By

Konstruksyon ng Subic firing range sa SEA Games walang ECC?

Nababahala ngayon ang ilang mga dayuhang residente at negosyanteng malapit sa lugar na maaaring makaapekto sa kalikasan at kapaligiran ang isang proyekto na minamadali ng gobyerno na isa sa pagdadausan ng isang laro para sa Southeast Asian Games at sinasabing pasok sa protected area sa loob ng Freeport Zone sa Subic.

Napag-alaman ng Abante mula sa isang source na ang proyektong minamadali sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) sa West Ilanin Forest ay inendorso ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para siguraduhing sumusunod sa mga kinakailangan sa kapaligiran para gamitin sa firing competition sa SEA Games.

Sa SBMA ay may lumang firing range na ginamit ng dating US Navy na malapit din sa lugar ng pinagtayuan at nasa kontrol ng SBMA.

Kinapanayam ng Abante sa kontratista ng proyekto na si Loy Arpon, ng CFV Construction, upang alamin kung mayroon silang kumpletong dokumento at permit kagaya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang naging tugon ni Arpon ay binigyan sila ng lugar para trabahuhin at madaliin pero pagdating sa mga dokumento ay iba na umano ang humahawak nito.

Sinabi rin niya na kung mayroon silang violation, ang tanging makakasagot lamang dito ay ang PSC at SBMA.

Wala aniya silang kinalaman dito dahil diretso silang nakikipag-ugnayan sa kanilang procuring entity sa Metro Manila.

Samantala, sinubukang kunan ng pahayag ang pamunuan ng DENR CENRO sa Olongapo at CENRO- Bataan subalit wala rin silang alam sa isyu.

Maging ang Ecology Center ng SBMA na nangangalaga sa kalikasan ng Freeport ay dedma lang, habang ang Chairman and Administrator na si Wilma Eisma ay aktibo sa social media ngunit tahimik sa kabila ng pagkalat ng litrato at video sa isyu.

Matatandaan na maagang naglabas ng pahayag si Eisma na ang lahat ng mga lugar para sa pagdarausan ng SEA Games sa Freeport ay handa.

Nasa 17 mga laro ang nakatakdang ganapin sa Subic, gayong ang ilang mga lugar ay tinatrabaho pa rin.

Sinabi naman ni Robert Gonzaga, President at CEO ng Subic Bay Maritime Exploratorium Inc., silang mga negosyante na mayroong negosyo sa West Ilanin Forest ay sumailalim sa mahigpit na proseso para makakuha ng ECC para mapangalagaan ang kapaligiran dito kabilang ang Ocean Adventure, Zoobic Safari at Kamana Resort.

“Wala man lang mga signage sa paligid o babala o nagsasabi na may permit ang itinatayong proyekto na hindi na namin kailangan pang magtanong. Ito ay isang paglabag sa batas, ‘yan ba ang masasabing may ECC na dapat tinitiyak nila ang anumang masamang epekto nito sa kapaligiran lalo na pasok ito sa protected area, kaya kailangang may managot dito,” ani Gonzaga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?