ABANTE vicente sotto iii constitution change
By

Konstitusyon babaguhin lang, hindi papalitan – Sotto

Sharing is caring!

Niliwanag ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na hindi intensiyon ngayon na baguhin ang buong Konstitusyon.

Binigyang-diin na kailangan lamang itong amiyendahan dahil kailangan para maisaayos ang pamamalakad ng gobyerno at upang pumasok din ang mas maraming dayuhang negosyante.

“Hindi naman charter change (cha-cha) ang mangyayari kundi amendments to the Constitution. May babaguhin lang na mahahalagang probisyon, hindi ito overhaul o malaking pagbabago,” diin ni Sotto.

Puntirya umano sa pagbabago ang pagsasaayos ng pamamahala sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng federalism.

Gayundin ang probisyon ng Konstitusyon na nagtatakda na hanggang 40 porsyento lamang ng pagnenegosyo ang puwedeng mging pag-aari ng mga dayuhan.

Sa tantiya ni Sotto, maaring magtagumpay ang pag-amiyenda sa Konstitusyon ngayong Duterte administration kung dadaanin ito sa constituent assembly (con-ass) kung saan ang mga senador at kongresista ang aamiyenda sa Konstitusyon.

Ito aniya ang mas praktikal kaysa magpatawag ng constitutional convention (concon) kung saan ihahalal ang aamyenda sa konstitusyon at mangangailangan ng bilyon-bilyong pisong pondo. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?