118

Dec 4, 2017 @ 11:58
By

Konsehal sa Cagayan, tinodas ng NPA sa bahay

Dead on the spot ang isang municipal councilor sa Baggao, Cagayan matapos pagbabarilin ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kamakalawa ng umaga sa kanyang bahay sa Zone 1, Brgy. Awallan, Baggao, Cagayan.

Ayon kay AFP Northern Luzon Command Spokesperson Lt. Col. Isagani Nato, alas-siyete ng umaga kamakalawa, nasa 30 na mga miyembro ng NPA na nakasuot ng military uniform na pinamumunuan ni Henry Abraham Command ang nagtulungang patayin ang municipal councilor na si Angelo Luis, 56-anyos.

Sa kuwento ng mga testigo sa militar, 17 na miyembro ng NPA ang kanilang nakitang umaaligid sa bahay ng konsehal bago ito pinatay.

Apat pang NPA members ang idineploy sa harap ng bahay ng konsehal para hintayin ang pagdating nito mula sa sakahan sa Brgy. Lasilat.

Nang dumating umano ang konsehal sa loob ng kanyang bahay agad itong pinasok at walang awang pinagbabaril hanggang sa mapatay.

Matapos ang pagpatay, kinuha pa ng mga NPA member ang apat na baril ng biktima.

Ang grupo ng NPA ay nag-o-operate sa Eastern Cagayan.

Agad na tumakas ang mga bandidong NPA sa direksyon patungo sa Sitio Kagurongan ng Brgy. Awallan.

Kinondena naman ng militar ang ginawang pagpatay sa konsehal habang nagpapatuloy na ang kanilang pagtugis sa mga NPA. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?