73
fertilizer1
By

Kongresista, dating mayor kinasuhan sa fertilizer fund scam

Ipinagharap ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan si Cotabato Rep. Nancy Catamco at dating Poro, Cebu Mayor Edgar Rama kaugnay ng pagkakasangkot sa fertilizer fund scam noong 2004.

Kinasuhan ng Ombudsman sina Catamco at Rama ng tig-isang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at at dalawang bilang ng malversation gayundin ang dating asawa ng kongresista na si Pompey Reyes.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagpabor ni Rama at ng mga dating miyembro ng konseho sa Perzebros Company na pagmamay-ari ni Catamco at Reyes, para sa P5-million na halaga ng kontrata para sa 3,333 na bote ng Vitacrop liquid organic fertilizers na nagkakahalaga ng P1,500 kada bote.

Ang kontrata ay para sa implementasyon ng Farm Inputs and Farm Implements Program (FIFIP) para sa bayan ng Poro.

Pero nadiskubre ng Commission on Audit na overpriced ang fertilizer ng mahigit 1,000 kada bote o kabuuang P4.58 million.

Napag-alaman ding hindi dumaan sa public bidding ang kontrata at hindi ito inirekumenda ng Bids and Awards Committee.

Inirekomenda ng Ombudsman ang piyansang P110,000 para sa pansamantalang kalayaan nina Catamco, Rama at Reyes.

Nauna nang itinanggi ni Catamco ang pagkakasangkot sa multi-million fertilizer fund scam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?