19

Sep 14, 2021 @ 18:07
By

Koneksyon ni Michael Yang kay Duterte pinakakalkal ni De Lima

Nanawagan si Senadora Leila de Lima na imbestigahan si dating presidential economic adviser Michael Yang kaugnay ng impluwensiya at koneksiyon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni De Lima, kailangang malaman kung ano ang nakukuhang benepisyo ni Duterte mula sa kuwestiyonableng kaugnayan nito kay Yang.

“Ngayon na humaharap na sa Senado si Michael Yang, dapat mahalungkat ang tunay na pagkatao niya at ang lawak o saklaw ng kanyang relasyon, koneksiyon at impluwensiya kay Duterte,” ayon sa senadora.

“Sa panig naman ni Duterte, ano ang kapalit ng mga pabor na naibigay niya kay Michael Yang o sa mga nailapit nito sa kanya? Ano ang kapalit ng pakikipagkaibigan niya sa isang taong may kahina-hinalang karakter at reputasyon?” saad pa nito.

“Kapag mahalungkat na ang katotohanan sa mga usaping ito, sigurado ako na malaki ang magiging mga pananagutan ni Duterte,” dagdag ng mambabatas.

Sa pagdinig ng Senado noong Setyembre 10, nabunyag na si Yang ang financier at guarantor ng kontrobersiyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation, na nakakuha ng P8.68 bilyong halaga ng government contract para sa pagbili ng diumano’y “overpriced” ng COVID-19 medical supply.

Bago ito, noong 2019, iniugnay ng dating police colonel Eduard Acierto si Yang sa illegal drug trade, kasama ang business partner nitong si Allan Lim (aka Huen Li Gen or Ayong) at Johnson Chua (aka Chung Nga Way o Greg Sia) na ngayon ay nasa Macau.

“Sinabi ni Acierto na yung intelligence report tungkol dito ay hindi pinansin ng mga kinauukulang opisyal, kasama na si Duterte, na sa halip ay pinagtanggol pa si Michael Yang,” ayon kay De Lima.

“Dahil diyan, walang imbestigasyon na isinagawa sa Acierto exposé ang kahit ano mang ahensya – PNP, PDEA, NBI – at pati na ang Senado, sa kabila ng Resolusyon (P.S. Res. No. 1033) na aking inihain noong Marso 2019, na humihingi ng pagsisiyasat sa alleged drug links ni Michael Yang. Nai-refer ang Resolusyon na ito sa isang Komite, ngunit walang naganap na mga pagdinig. Hindi pinansin,” sambit pa nito.

Sa Senate Resolution 1033, pinasisiyasat din ni De Lima kung inabuso ba ni Yang ang kanyang posisyon bilang economic adviser ni Duterte.

“Gusto ko ring malaman kung ano ang naging papel ni Michael Yang sa mga loan agreements na nilagdaan ng Pilipinas at China noong 2018 o panahon ng panunungkulan ni Michael Yang bilang Presidential Economic Adviser. Isa rito ay yung P4.3 billion Chico River Pump Irrigation Project na, ayon sa ilang mga sektor, ay isang “onerous, one-sided” na transaksyon,” sabi ni De Lima.

“Ang tanong ko noon, at ngayon – Tama ba na binigyan ang isang dayuhan ng ganyang pwesto sa pinakamataas na opisina sa gobyerno? Tama ba na ang dayuhang ito, isang Tsino, ay may ganyang access sa Pangulo, sa gitna ng maselang usapin ng pang-aagaw teritoryo ng China sa West Philippine Sea?” tanong pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?