47

By

Komunikasyong kabahagi ang taumbayan

Napakaimportante ng komunikasyon sa pamamahala. Sa pamamagitan ng komunikasyon, naipararating ng gobyerno sa publiko ang mga impormasyon tungkol sa mga patakaran nito.

Sa proseso ng paghahatid ng mga impormasyon, nagiging matapat ang gobyerno sa mga mamamayang pinagsisilbihan at ang bawat hakbang at desisyon nito ay nagiging lehitimo.

Kung may diyalogo sa pagitan ng mga nag­lilingkod at pinaglilingkuran, nagkakaroon ng matibay at bukas na ugnayang panlipunan ang mga pinuno at ang mga tao.

Dahil dito, naitatama ng gobyerno ang naipatupad na maling kautusan at nilalagdaan naman ng taumbayan ang programang may pakinabang. Sa ilalim ng demokrasya, hinihikayat ang paglahok ng mga mamamayan sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng bansa at ng isa’t isa.

Sa kasaysayan ng pulitika ng Amerika, may ilang eksperto ang nagsabi na hindi ang ‘Watergate scandal’ ang dahilan ng pagbagsak ni ex-US President Richard Nixon kundi ang maling pagtrato ng kanyang mga tauhan (lalo na ang ilang tuma­yong White House communications director) sa mga mamamahayag tulad ng pananakot, intimidasyon, at pagsisinungaling sa kanila na daluyan ng mga impormasyon hinggil sa agenda para sa tao at lipunan ng administrasyon ni Nixon.

Sinasabi na ang isang presidential spokersperson ay isang instrumento pagdating sa mga polisiya, serbisyo, at programa ng gobyerno. Kung may ipatutupad na polisiya, halimbawa ay ang tax reform, dapat mabatid ng mga mamamayan kung anong kabutihan o masamang epekto ang maidudulot nito sa kanila.

Hinihingi rin sa kanya ang katapatan at di-matatawarang pag-uugali. At dahil sa alter ego siya ng Pangulo, nababasa niya rin dapat ang bawat body language, biro o pahayag ng Chief Executive ng bansa, mapapormal na pagtitipon man o kahit sa pribadong salo-salo lang sa dining table ng Palasyo.

Ang mga katangiang ito marahil ang ilan sa mga dahilan kung bakit itinalaga ni Presidente Rodrigo Duterte ang ating kapwa mambabatas na si Congressman Harry Roque bilang bagong presidential spokesperson.

Binabati natin si kumpareng Harry (inaanak niya sa binyag ang aming bunsong Chayeli) sa kanyang bagong tungkulin sa Executive Department na parte pa rin naman ng kanyang pagnanais na makapaglingkod sa tao.

Mahigit isang taon na­ting nakasama si Harry sa Kamara at may ilang batas tayong naipasa na kapwa kami ang may-akda. Sa mga hearing at session, maaga siyang dumarating at aktibo ang kanyang partisipasyon. Napakasipag at may-alam.

Napanood natin ang unang press briefing sa Malacañan ng ating kumpare at masasabi natin na isang senyal ito na hindi nagkamali ang Presidente sa pagkuha sa kanya. Bagay na bagay din sa kanya ang suit na suot niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?