13

Nov 8, 2020 @ 18:35
By

Komprehensibong flood management plan sa Bicol, napapanahon na – solon

Matapos masaksihan ng publiko ang maladelubyong pagbaha sa Bicol na dala ng hagupit ng Supertyphoon Rolly, isang opisyal ng Kamara ang nagsusulong upang mabigyan ng matino at komprensibong flood control program sa buong rehiyon.

Ayon kay House Assistant Majority Floor Leader Alfred de los Santos, napapahahon na ang pagkakaroon ng bagong master plan para Region V na pipigil at sasalag sa ragasang tubig mula sa mga kabundukan na siyang naging dahilan ng malalang pagbaha iba’t ibang lalawigan na sakop ng Bicol.

Giit ni de los Santos, “hindi pwedeng puro relief efforts na lang,” bagkus, dapat long-term solutions ang isipin” ng mga nasa poder.

“Saan ba nanggagaling ang problema? Sa baha,” ani de los Santos na tubong Legazpi City, Albay.

Ayon sa kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list, dapat madaliin ang pagkakaroon ng bagong flood control master plan para sa Bicol lalo pa’t pabago-bago ang sitwasyon ng panahon sa bansa dala ng climate change.

“We need it as soon as possible so we can respond immediately and properly when calamities come,” dagdag pa ng kongresista.

Binigyang diin ni delos Santos na dapat unahin ang pagkakaroon ng bagong flood control master plan sa paligid ng Bicol River Basin at Sabo Dam.

“Kapag natapos na ‘yan, magiging malinaw ang direction ng lahat ng construction ng flood control structures at dams. Ngayon nga nasiraan tayo ng isang dam kaya’t biglang taas yung tubig so dapat maisaayos na agad yung dokumento na kailangan para sa pagtatayo ng bagong dam at pagre-rebuild ng mga existing flood control structures,” wiki ni de los Santos.

Higit 400,000 tao sa Bicol ang lubhang naapektuhan ng hagupit ni Rolly lalo na sa mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur—30 munisipalidad at 180 barangay ang sinalanta base sa datos na inilabas ng Office of Civil Defense.

Maraming buhay umano ang maililigtas sa hinaharap kung pakikinggan ng Malacañang ang panukalang pagkakaroon ng bagong flood control master plan sa Bicol Region, ayon kay de los Santos.

“Bukod sa laki ng matitipid ng gobyerno, ang pinaka-importanteng benepisyo mula sa maitatayong flood control structures based sa master plan ay makakaiwas na tayo sa trahedyang pagkawala ng buhay ng ilan sa ating mga kababayan. We can actually save lives by expediting this project,” paliwanag ng kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?