39

Dec 29, 2017 @ 16:38
By

Komento ng respondents sa petisyon kontra ML extension, iginiit ng SC

Pinagkokomento ng Korte Suprema ang mga respondent sa inihaing petisyon ng grupo ng mga mambabatas mula sa oposisyon sa Kamara de Representantes na tumututol sa muling pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Sa tatlong-pahinang kautusan na pirmado ni Supreme Court (SC) En Banc Clerk of Court Atty. Felipa Anama, sampung araw ang ibinigay ng Korte Suprema sa mga respondent para magsumite ng komento.

Naka-recess ngayon ang SC En Banc session, pero nagbigay ng otoridad si Chief Justice Maria Lourdes Sereno para iutos ang pagsusumite ng komento alinsunod sa rekomendasyon ng mahistradong naatasang magponente ng desisyon sa kaso.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Senate President Aquilino Pimentel III, House Speaker Pantaleon Alvarez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Budget Secretary Benjamin Diokno at Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff General Rey Leonardo Guerrero.

Kasama sa mga naghain ng petisyon sina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Edgar Erice, Teddy Brawner Baguilat, Gary Alejano at Emmanuel Billiones.

Hiniling ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o ng writ of preliminary injunction para pigilan ang pagpapatupad ng panibagong martial law extention na tatagal hanggang Disyembre 31, 2018.

Iginiit ng mga petitioner na unconstitutional ang nasabing hakbang ng Kongreso dahil wala namang aktuwal na rebelyon na nagaganap sa Mindanao.

Ang banta umano ng karahasan at terorismo ng mga nalalabing puwersa ng mga terorista ay hindi rin umano sapat na batayan sa ilalim ng 1987 Constitution para mapalawig ang martial law.

Hindi rin umano pinapayagan sa ilalim ng Saligang Batas ang serye ng pagpapalawig o re-extension ng martial law proclamation na pinangangambahang mauwi sa pangmatagalang pagpapalawig. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?