193

May 10, 2020 @ 10:14
By

Koko Pimentel planong idemanda ang mga basher

Pinag-iisipan ni Senador Koko Pimentel kung magsasampa siya ng kasong cyberlibel laban sa mga nanirang-puri sa kanya noong nagpositibo siya sa COVID-19.

Posible rin umanong makipagtulungan ang senador sa technology experts para matagpuan ang mga indibidwal na aniya’y nagpakalat ng “negatibong” istorya na nakaapekto hindi lang sa kanya kundi sa kanyang pamilya at mga kawani.

“Meron rin talaga na hindi rin maganda ang hangarin at saka ang laman ng puso nila, iba. Imagine mo, gagawan mo ng kwento ‘yong drivers ko, pati pamilya nila, iintrigahin sa online. Tine-trace nga namin ang mga ito kasi krimen ito eh, krimen yan sa ilalim ng Cyber[crime Prevention] Act at sa ilalim ng Bayanihan Law,” wika niya sa DWIZ, Sabado.

“Kaming mga nag-COVID positive, second life na namin ito, so sa second life natin, ito na lang siguro yong additional contribution natin sa lipunan: ‘Yong mga maiitim ang puso i-expose na rin natin, habulin na rin natin yang mga ‘yan,” aniya pa.

Gayunman, nagpasalamat si Pimentel sa mga doktor at indibidwal na nagpakita sa kanya ng “compassion” sa gitna ng mga batikos.

Matatandaang binuska ang senador sa paglabag sa quarantine protocol at pagsama sa kanyang buntis na asawa patungong Makati Medical Center, Marso 24. Habang nasa ospital ay saka niya nakumpirma na positibo siya sa COVID-19.

Sa ngayon, sinabi ni Pimentel na haharapin niya ang sinampa sa kanyang reklamong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?