89
Koko Pimentel: Paglikha ng Department of OFW napapanahon na
By

Koko Pimentel: Paglikha ng Department of OFW napapanahon na

Muling iginiit ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang kanyang panawagan na likhain ang isang ahensya na tututok sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Ayon kay Pimentel, nasa 11 milyon na ang mga OFW at patuloy pang dumarami kaya kailangan na ng isang ahensya ng gobyerno na nakatuon sa kanilang pangangailangan.

“Andami na nila. Bagamat mayroon nang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), hindi sapat ang tauhan ng dalawang ahensyang ito upang tugunan ang dumadaming pangangailangan ng ating mga OFW,” ayon kay Pimentel.

“Kailangan natin ng pambansang polisiya na ipapatupad ng malawakan ng isang hiwalay na departamento na direktang tutugon sa mga pangunahing kalagayan sa trabaho at mga pangyayari sa ibayong dagat dahil ang mga ito ay may direktang epekto sa ekonomiya dito,” dagdag nito.

Binanggit din ng mambabatas ang mga ulat kamakailan lamang na nagsasabing aabot sa $1.5 billion ang mawawalang halaga ng remittances sa Pilipinas dahil sa tinatayang 10 hanggang 15 porsyentong pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong maipapadala sa Gitnang Silangan dahil sa pagbaba sa pandaigdigang presyo ng langis.

Ayon pa sa nasabing ulat, aabot sa 100,000 trabaho para sa mga OFW ang mawawala dahil sa alanganing kalagayan sa pananalapi ng Saudi Arabia at ng iba pang mga bansa sa Middle East dahil sa pagbulusok ng presyo ng krudo.

“Napakalaking bilang niyan, lalo na dahil ang Saudi Arabia ay ang pinakanagugustuhang bansa ng 25.4 porsyento ng mga OFW, batay sa Philippine Statistics Authority. Kasunod nito ang United Arab Emirates (15.3%) at Kuwait (6.7%).”

Noong nakaraang taon, humigit-kumulang 3,000 manggagawa ang natulungang makauwi ng OWWA. Bumaba din ng sampung porsyento ang bilang ng mga naipadalang OFW dahil sa pabagu-bagong presyo ng krudo.

“Ibinaba na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang growth target para sa personal at cash remittances sa tatlong porsyento imbes na apat na porsyento para sa 2019. Kailangan nating patuloy na gumawa ng hakbang upang pigilan ang pagbulusok na ito sa ipinapadala pauwi ng ating mga OFW,” ani Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?