105

Jan 26, 2020 @ 17:23
By

Koko Pimentel, Hans Sy, Michelle Dee kumasa sa ‘Tala’ dance challenge

Nagkaisa ang SM Cares at Autism Society Philippines (ASP) para sa pagdiriwang ng taunang selebrasyon ng “Angels Walk for Autism” na ginanap nitong Linggo ng umaga sa SM Mall of Asia (MOA) Arena.

Dinaluhan ito nina Senador Koko Pimentel, Autism Association of the Philippines President Mona Magno-Veluz, SM Prime Director Hans Sy, at Miss World Philippines 2019 Michelle Dee. Sa nasabing kaganapan, opisyal nang inanunsyo ang pagiging ASP ambassador ni Dee.

Nagkaroon din ng pagtatanghal ang mga taong may autism kung saan pinagmalaki nila ang kani-kanilang mga talento. Sa gitna ng programa ay pinarangalan ng ASP sina Ron Michael Adea at Keith Rafael Ignacio ng “Autism Angel Achievement Awards.”

Inabangan din ng buong MOA Arena ang pagsayaw ng “Tala” ng madla. Nakisayaw at sumali rin sa dance challenge sina Pimentel at Dee.

Bilang pagtatapos ng programa, nagtanghal ang NU Pep Squad kung saan karamihan ng mga may autism ay napatayo at napatili. Inulan ng palakpakan at hiyawan ang buong MOA Arena matapos ang pagtanghal ng grupo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?