98

Jan 5, 2018 @ 20:52
By

Koko kay Alvarez: Hindi utusan ng Kamara ang Senado

Tuloy ang sagutan nina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez kaugnay ng magkahiwalay na tungkulin ng Senado at Mababang Kapulungan o Kamara.

Pinagsabihan ngayon ni Pimentel si Alvarez na hindi sunod-sunuran ang Senado sa Kamara.

Sinabi rin ni Pimentel na hindi obligado ang Senado na aprubahan ang mga pinagtitibay ng Kamara at gayundin ang Kamara na hindi pwedeng pilitin na katigan ang mga inaaprubahan ng Senado.

Binigyang-diin ito ng pangulo ng Senado matapos sabihin ni Alvarez sa isang panayam na kailangang kumayod ng Senado para maaprubahan ang mga pinagtibay ng Kamara gaya ng panukalang pagbabalik ng parusang Kamatayan.

Aprub na iyon ng Kamara habang nakabitin pa sa committee level ng Senado.

“The Senate is not obligated to pass all measures passed by the House. That is also true the other way around,” diin ni Pimentel.

“Hindi po subordinate ng House ang Senate; and that is also true the other way around. A measure before it becomes law must pass both chambers. That is the basic principle. We have to respect the decision of each chamber,” paalala pa nya kay Alvarez.

Kung isyu ang death penalty bill, sinabi ni Pimentel na aaksiyunan na ito ng kanilang kapartido na si Senador Manny Pacquiao.

Una na ring pumalag si Pimentel sa sinabi ni Alvarez na “Mabagal na Kapulungan” ang Senado.

Sagot dito ng Senate President, ang Senado ay “nag-aaral na kapulungan” at dapat tandaan ni Alvarez na ang labanan sa kanilang trabaho ay “quality not quantity”. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?