74

Jan 3, 2018 @ 16:08
By

Koko kay Alvarez: Hindi nakikipagparamihan ng batas ang Senado

Pumalag si Senate President Koko Pimentel sa pagbansag ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Senado na “mabagal na kapulungan” dahil kakaunti ang nagagawang batas.

Mariing sinabi ni Pimentel na natatagalan sa Senado ang mga panukalang batas dahil pinag-aaralan at hinihimay nila ang mga ito para masiguro na para sa ikabubuti ng nakararami.

Hindi rin umano nakikipagkumpetensya ang Senado sa Kamara sa dami ng nagagawang batas dahil ang gusto nila ay kalidad ng mga ito.

Bukod dito, kanyang binigyang-diin na natural na maraming panukalang batas sa Kamara dahil marami ang mga kongresista at doon nanggagaling ang mga ‘local bill’.

Halimbawa aniya ng mga panukalang batas mula sa Kamara ang pagpapalit ng pangalan ng eskuwelahan, pagsasanib ng mga paaralan at pagdaragdag ng kama o kapasidad ng mga local na ospital.

“The Senate is ‘nag-aaral na kapulungan’. Of course, there are many more bills emanating from the House because ‘local bills’ originate from the House,” dagdag ni Pimentel.

“We must all change our mindset — from quantity to quality,” diin nito.

Sina Pimentel at Alvarez ay magkasama sa PDP Laban kung saan kasapi rin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Alvarez na mabagal umusad sa Senado ang mga panukalang batas.

Hindi raw si Pimentel ang problema kundi ang institusyon mismo.

“Let us not judge law making in terms of number of laws passed but in terms of how the laws we pass improve the quality of life on earth in general and the quality of life of Filipinos in particular,” pahayag ni Pimentel.

Ayon naman kay Senador Tito Sotto, kung magtrabaho ang Senado ay ‘slow but sure’ dahil may kasabihan na ang tumatakbo nang matulin, kapag natinik ay malalim.

Sa talaan ng legislative bills and index service ng Senado hanggang nu’ng Disyembre 13, naihain dito ang 1,636 na mga panukalang batas, 11 ang naging batas kabilang ang ukol sa 2018 national budget at ang bagong tax reform law at nagkaroon ng 575 na resolusyon.

Sa Kamara, 7 libong panukalang batas ang nakahain, higit 1,600 ang mga resolusyon — at umano’y 2,100 dito ang naaksyunan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?