163

Dec 8, 2019 @ 10:31
By

Knott, Obiena bumida sa Clark

Dalawang Southeast Asian (SEA) Games record ang binura sa athletics competition ng 30th SEA Games, Sabado, sa New Clark City Stadium kaya nanatili pa rin ang pamamayagpag ng Pilipinas sa medal tally.

Nakalikom ang Pilipinas ng 81 gold, 59 silver at 60 bronze medals para hawakan ang tuktok matapos ang pitong araw na bakbakan.

Lumundag ng 5.45m si EJ Obiena sapat para makuha ang gold medal sa men’s pole vault event at iukit ang bagong SEA Games record.

Binura ng 23-year-old Pinoy pole vaulter ang 5.35m ni Porranot Purahong ng Thailand na naitayo noong 2017 SEA Games sa Malaysia.

Tinalo ni Obiena sina Purahong (5.20m) at Iskandar Alwi ng Malaysia (5.00m) na nagkasya sa silver at bronze medal ayon sa pagkakasunod.

Nirehistro naman ni Fil-American Kristina Knott ang 23.01 segundo para magreyna sa women’s 200-m run at masilo ang gintong medalya.

Binasag ni Knott ang 23.07 na nilista niya sa heat run kahapon ng umaga.

Ito ang ikatlong ginto ng bansa sa athletics, tapos magwagi si Christine Hallasgo sa women’s marathon nitong Biyernes.

Dalawang ginto naman ang inambag nina Cris Nievarez at magkakamping Joane Delgaco at Melcah Caballero sa rowing competition.

Nanaig si Nievarez, 19 sa men’s lightweight single sculls nang ilista ang pitong minuto at 34 segundo.

Nagsanib ang pambato ng Bicol na sina Delgaco at Caballero para hablutin ang ginto sa women’s lightweight double sculls sa tiyempong 7:24.21.

Nag-ambag din ng gold medal si Hermie Macaranas nang manaig ito sa 200m men’s singles event ng Canoe Kayak, at magtala ng 43.75 segundo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?