107

Jan 2, 2018 @ 15:33
By

Kita sa TRAIN gamitin sa pagkukumpuni ng MRT, LRT – Angara

Iginiit ni Senador Sonny Angara na gamitin ang bahagi ng koleksyon ng gobyerno mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o Tax Reform Law sa pagpapakumpuni at pagpapaganda ng serbisyo ng MRT at LRT.

Ayon sa senador na nagtanggol ng Tax Reform Law sa Senado, nakatadhana sa batas na 70 % ng makokolektang buwis mula sa pag-iral nito ay dapat gamitin sa infrastructure projects na pakikinabangan ng publiko gaya ng mass transport systems at mga bagong kalsada at tulay.

Dahil dito, sa ilalim ng Republic Act 10693 o TRAIN Law, kabilang sa otorisadong pagkagastahan ang pagpapaayos ng MRT at LRT.

Diin ni Angara, kailangang agad na itong gawin dahil perwisyo na para sa mga pasahero ang malimit na aberya sa mga tren partikular sa MRT.

Sa ulat ng Department of Transportation (DOTr), may 500 beses na nagkaroon ng aberya ang MRT noong 2017.

Ang mga aberyang iyon ay nagbunsod para pababain ang mga pasahero na pinaglakad sa riles at pinaghintay ng ibang tren.

Halos 500,000 ang pasahero araw-araw ng MRT.

“The TRAIN law should fix our trains. Hindi na po makatarungan na libu-libong pasahero ang naaagrabyado dahil sa madalas na dispalinhadong serbisyo ng ating MRT at LRT. Dapat ay siguruhin ng gobyerno na ang makokolektang buwis ay mapupunta sa mga programang mapakikinabangan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Angara na chairman ng Senate committee on ways and means.

Sa nasabing batas, ang bukod na 30% ay gagamitin sa social mitigating measures at investments gaya ng edukasyon, kalusugan, anti-hunger programs, social protection, trabaho at pabahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?