26

By

Kita sa lotto, casino, sin taxes gagamitin sa Universal Health Care

Sharing is caring!

May garantisado na umanong mapagkukunan ng pondo kapag naisabatas na ang Universal Health Care Bill.

Sa panukala, layong itaas sa 30% hanggang 50% ang bahagi ng bayarin sa ospital at pagpapagamot na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa 20% ngayon.

Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate committee on health at principal author ng panukala, gagamitin sa unang dalawang taon ng implementasyon nito ang annual budget ng Department of Health (DOH) at bahagi ng kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Sa ikatlo hanggang sa mga susunod na taon, itaaas para rito ang buwis sa sigarilyo at alak o ang ‘sin taxes’ dahil aabot umano sa P300 bilyon hanggang P400 bilyon ang kakailanganin.

Sinabi naman ni Senate President Ralph Recto, nag-akda ng panukala, na kanilang isasabatas na gamitin sa Universal Health Care ang 50% ng government share mula sa kita ng Pagcor sa casino at ang 40% ng charity fund ng PCSO na nalilikom mula sa kita sa lotto.

Inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa nitong Miyerkoles matapos sertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na urgent measure.

Ayon kay Ejercito, magpupulong sa susunod na linggo ang bicameral conference committee para pagtugmain ang magkaibang bersyon nito ng Senado at Kamara.

Kapag naresolba ang pagkakaiba, pararatipikahan nila ang panukalang batas pagbalik ng Kongreso sa sesyon sa Nobyembre 12.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?