32

By

Kita ng lotto outlet sa Pasig, tinangay ng kahera

Sharing is caring!

Sinira ng isang lady cashier ang tiwala ng kanyang amo matapos nakawin ang isang araw na kita ng kanilang lotto outlet na nagkakahalaga ng P8,000 nang mabuking na hindi ito nagdeposito, sa Barangay San Joaquin, Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director Gen. Bernabe Balba, nakilala ang suspek na si Irene Rotante y Cortez, 52-anyos, cashier at residente ng 373 R. Jabson St., Barangay San Joaquin, Pasig City na nahaharap sa kasong qualified theft sa Pasig City Prosecutors Office.

Ayon kay Pasig acting chief of police S/Supt. Rizalito Gapas, nagtungo sa kanilang tanggapan ang may-ari ng lotto outlet sa Elisco Road, Barangay San Joaquin na si Irwin Vidal y Sebastian, 40-anyos, businessman at residente ng 12 Buenconsejo St., Barangay Plain View, Mandaluyong City, upang ipahuli ang kanyang kahera na nagnakaw umano ng pinagbentahan ng lotto.

Nabatid na hindi pumasok si Rotante matapos makubra ang P8,000 kaya agad na ini-report sa pulisya ang pangyayari at agad na nagresponde ang mga tauhan ng follow-up at nahuli ang suspek sa kanyang tinitirahang bahay.

Ayon sa suspek, hiniram lamang niya ang pera at isosoli din kapag nakaluwag subalit hindi na ito pinalampas pa ng may-ari dahil sinira na umano ng suspek ang kanyang tiwala.

Agad na sinampahan ng kaso ang kahera na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Pasig detention cell habang hinihintay ang pagdinig sa kasong qualified theft sa Pasig City Prosecutors Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?