66

Oct 9, 2017 @ 13:21

Kinatawan ng POEA sa airport

By Kaye Dacer

Sa panahon ngayon ay talagang mahirap ng magtiwala sa mga recruitment agencies dahil kahit ito ay in good standing sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) o aktibo ang rehistrasyon bilang lehitimong recruitment agency ay ‘di pa rin garantiya na ito ay hindi lalabag sa mga patakaran na dapat nilang sundin sa pagpapaalis sa isang aplikante na gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Sa katunayan ay parang nagiging front lang ng ibang recruitment agency ang magparehistro sa POEA para lamang maging lehitimo ang kanilang ahensya ngunit puro naman kabalbalan ang ginagawa nila sa mga aplikante.

Sa dinami-dami nga naman ng mga ahensya na nakalista sa POEA ay hindi mo alam kung sino ang iyong susubukan na puntahan.

Dahil sa aming karanasan bilang mamamahayag at sa dami din ng mga taong nagtutungo sa amin para humingi ng ayuda ay masasabi kong swertihan na lamang ang paghanap ng recruitment agency na talagang lehitimo sa lahat ng bagay.

Ilan na din ang nagreklamo sa aming tanggapan ng mga taong naloko pa mismo ng ilang mga recruitment agencies na nakarehistro pa mismo sa POEA bilang mga lehitimong ahensya.

Problema kasi dito ay hindi nga naman malalaman ang panloloko ng isang ahensya hangga’t walang nagrereklamo at nabubuko.

Makailang beses na ding mga nabuko ang mga ito ngunit patuloy pa ding nakakapanloko matapos lamang muling magpalit ng pangalan ng kanilang mga kumpanya.

Naririyan ang mga panloloko sa placement fees, misrepresentation ng kanilang mga kontrata, at ang pinakamasakit pa ay ang pagkuha ng mga ito ng pera sa mga aplikante na wala naman palang patutunguhan.

Ang iba pa ay nagbibigay ng ayuda sa isang loan company na kanila ding kasabwat para ang isang aplikante ay makapanghiram ng perang ibabayad din sa kanilang ahensya. Sabihin man nating sila ay naghahanap-buhay sa mga ganitong paraan at makakapagpaalis ng kanilang aplikante ay ‘di pa rin natin maiaalis ang kanilang pandaraya minsan sa mga ‘di pagsunod sa kontrata na kanilang pinapapirmahan sa kanilang nire-recruit.

Karaniwan na daw ang dalawang kontrata na napipirmahan bago umalis ang isang aplikante.

Isang kunwaring kontrata na may nakasaad na suweldo kuno na kanyang matatanggap buwan-buwan sa kanyang pagtatrabaho sa ibang bansa at isang kontrata na kanyang pipirmahan bago lumipad ang isang aplikante na isang malinaw na paglabag ngunit wala nang magawa ang isang na-recruit dahil kailangan niya ng trabaho at wala na din siyang panahon para maka-back out dahil siya ay paalis na.

Ito ang karaniwang nangyayari at ito ay hindi na kontrolado ng POEA. Iyan ang isa sa pinakamasakit na katotohanan. ‘Ika nga, work and travel at your own risk… Kaya ang kahihinatnan ay ang pagkabigo ng isang na-recruit na maghahangad na makauwi muli sa ating bansa.

Iniisip tuloy natin kung ano ang mga posibleng solusyon sa ganitong mga panlilinlang ng ilang mga recruitment agencies na lehitimong nag-o-operate pero ‘di lehitimo sa kanilang mga kontrata sa kanilang mga nare-recruit. Sana daw ay magkaroon tayo ng mga representatives ng POEA sa mga airport na maaaring puntahan ng mga OFWs para masala kung may mga problema o magiging problema sa kanilang pag-alis.

Sa paraang ganoon daw ay bago pa lang makaalis ang isang na-recruit ay malalaman na ng ating gobyerno kung tama ba o mali ang kanyang ahensya na napuntahan.

Muli ‘ika nga ay sana sa POEA ay an ounce of prevention is better than a pound of cure. Bago pa lang magkaproblema ang isang OFW na gobyerno din naman natin ang magkakaproblema pagdating ng panahon ay makontrol na ng POEA, hindi ba?

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?