35

Oct 13, 2017 @ 16:44

Kilos-protesta ng BOC vs Lapeña, ikinasa

Matapos tanggalin sa pwesto ang 30 section chiefs ng Bureau of Customs (BOC), nagbabalak ngayon ang samahan ng mga kawani ng BOC na magsagawa ng kilos-protesta bilang pagtutol sa ipinatupad na reassignment.

Ayon kay Remy Princesa, Presidente ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA), nagpadala na sila ng liham ng apela kay BOC Commissioner Isidro Lapeña dahil ang kanyang kautusan ay hindi aniya napapanahon, hindi makatwiran at labag din sa umiiral na Civil Service Rules and Regulations.

Naniniwala ang BOCEA na maituturing na “constructive dismissal” ang reassignment sa 30 section chiefs ng Formal Entry Division sa Port of Manila at Manila International Container Port patungo sa ibat ibang provincial collection district.

Bukod aniya kasi sa hindi malinaw ang gagampanang trabaho ng mga na-reassign na section chiefs, sila rin ay daranas ng “financial dislocation” dahil ang kanilang kita ay hindi na sasapat sa gastusin para sa board and lodging, pagkain at transportasyon sa nilipatan nilang lugar.

“Reassigning/ transferring en-masse of employees without their consent and due process of law is a form of penalty. This creates an atmosphere of fear, demoralization and uncertainty,” ang bahagi ng pahayag ng BOCEA.

Dagdag pa ni Princesa, kumukuha na sila ng abugado para pag-aaralan ang magiging legal na hakbang.

Mistula na rin umanong naging extension ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang BOC dahil plano umano ni Lapela na italaga nilang hepe ng mga division at unit sa kawanihan ang 30 mga opisyal na galing ng PDEA at ngayon ay sumasailalim sa pagsasanay kaugnay sa customs procedure. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?