89
arrested
Oct 30, 2017 @ 15:39

Killer ng Grade 10 stude, arestado

Matapos ang apat na araw ng pagtatago, nadakip na rin ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) trackers team ang isa sa riding-in tandem na sinasabing responsable sa pagbaril at pagpatay sa Grade 10 student sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi.

Iprinisinta kahapon sa mga mamamahayag ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang suspek na si Ferix “Eric” Dalmacio, 30, construction worker at residente ng General Avenue bridge, Brgy. Tandang Sora, ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Eleazar, si Dalmacio ay nadakip kamakalawa ng alas-4:00 ng hapon sa isinagawang follow-up operation ng kanyang tauhan sa Police Station 3 makaraang magpalabas ng cartographic sketch ang QCPD at positibong kilalanin  ng isang testigo ang suspek na siyang bumaril at nakapatay sa biktimang grade 10 student na si Kevin Reantaso, 16.

Lumitaw sa imbestigasyon ni PO3 Dollente Jerome, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na robbery ang motibo ng sa pagpatay sa biktima.

“Kinukuha ni Dalmacio ang cellphone ng estudyante pero pumalag ito, ayaw ibigay at nanlaban kaya siya binaril,” anang imbestigador.

Base rin sa nakunan ng  CCTV,  hindi planadong  patayin ang biktima pero nanlaban ito kaya napilitan siyang barilin ng suspek.

Sinabi pa ni Gen. Eleazar, kilala na nila ang ka-tandem ni Dalmacio sa tuwing sila ay nanghoholdap pero hindi muna inihayag ang pangalan para hindi masunog ang ginagawang follow-up operation.

Nabatid na una na ring nadakip at nakulong sa himpilan ng pulisya si Dalmacio dahil sa kasong robbery.

Si Dalmacio rin at kasama nito ang pangunahing suspek sa panloloob at paghoholdap sa isang bakery sa Sampaguita St., Brgy. Talipapa, Quezon City.

“Panghoholdap talaga ang lakad nila, katunayan noong madakip si Dalmacio ay tatlong cellphone ang nakuha sa kanyang possession at isang kalibre 38 baril,”  pahayag pa ni Gen. Eleazar.

Sa ngayon ay nahaharap na sa kasong robbery with homicide ang suspek dahil sa kanyang pagbaril at pagpatay sa biktima, bukod pa ang kasong pagnanakaw na kinakaharap nito dahil sa kanyang panloloob at pagnanakaw sa isang bakery. (Dolly B. Cabreza/ with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?