99
arrested
Oct 19, 2017 @ 16:52

Killer ng barangay chairman, nahuli na

Nahuli na ang suspek sa pagpatay sa Barangay Poblacion chairman matapos ang isinagawang follow up operation ng Mandaluyong Police.

Sa report mula kay Easterm Police District Director chief Supt. Romulo Sapitula, nakilala ang suspek na isang bantay bantay ng Barangay Poblacion na si Christopher Calumbi y Bandilla, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.

Batay sa report, nagsagawa ng follow up operation ang Mandaluyong Police sa pangunguna ni S/Inps. Virgilio Platoon nang makatanggap ng tip na namataan ang suspek sa Jollibee food chain sa Boni MRT station sa Edsa, Mandaluyong bandang 7:30  Miyerkoles ng gabi.

Nabatid na isang witness ang nagbigay ng tip kung saan ay nakita niya umano ang naganap na pamamaril kay Barangay Poblacion Chairman, Godofredo “Goody” Tolentino.

Matatadaang binaril si Tolentino noong October 9, 2017 bandang alas 6:00 ng gabi sa loob ng Four Brothers Billiard Hall sa Reyes St., Poblacion, Mandaluyong City.

Nakaupo lamang umano ang biktima na nanonood ng mga naglalaro ng bilyar nang may lumapit na dalawang kalalakihan at agad na itong pinagbabaril sa katawan.

Ayon kay Mandaluyong police chief Supt. Joaquin Alva, patuloy pa rin na nagsasagawa ng  follow up at manhunt operation ang kapulisan upang makilala ang mastermind sa pagkamatay ng barangay chairman. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?