154

By

‘Killer maid’, kasabwat timbog sa Pangasinan

Matapos ang tatlong taon na pagtatago, nahuli na ang kasambahay na pumatay umano sa anak ng kanyang employer noong 2016 sa Baguio City.

Nadakip umano si Marites Judan ng mga operatiba ng Police Regional Office-Cordillera, Alaminos City Police at Baguio City Police sa Dampay St., Poblacion, Alaminos, Pangasinan noong Pebrero 6.

Si Judan umano ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 15-anyos na si Allery Wagayen sa bahay ng biktima sa Barangay Pinsao proper noong Mayo 2016.

Tangan ang arrest warrant, dinakip ng mga pulis si Judan pati na rin ang partner nitong si Manuel Carbonel Balangatan, na “partner in crime” umano nito sa pagnanakaw sa mga bahay na tumatanggap sa kanya bilang kasambahay.

Nakita ng dalawang kaanak ng biktima ang duguang katawan nito sa loob ng banyo ng kanilang bahay.

Nagtamo si Wagayen ng 15 na saksak sa katawan.

Gumagamit umano ang suspek ng iba’t ibang alyas gaya ng “Marites Relloraza”, “Florence Macalay”, “Marites de Guzman”, “Brenda Mendoza”, at “Brenda Ducusin” para makaiwas na maaresto.

Maliban sa kaso nito sa Baguio City, may standing warrants of arrest pa umano ang suspek sa kasong qualified theft hanggang robbery sa mga lalawigan ng La Union at Ilocos Sur.

Samantala, nanawagan ang mga awtoridad sa iba pang naging biktima ni Judan na makipagtulungan sa pulisya para mapanagot ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?