197

Nov 29, 2017 @ 8:42
By

Kilabot na snatcher tiklo sa Pasay

Nang dahil sa naiwang wallet, natunton ng mga pulis ng Arellano PCP ang isa sa riding-in-tandem na nanghablot ng bag ng call center agent sa Malate Maynila.

Inaresto ang suspek na si John Paolo Almonte, 25 taong gulang, sa kanyang bahay sa Rivera St. sa Pasay City.

Kuwento ng biktimang si Jessica Labilles, nakatayo siya sa P. Ocampo St. sa Malate kahapon ng madaling araw nang biglang hablutin ng isang lalaki ang kanyang bag sabay takbo sa kasamahan nito na naghihintay sa motorsiklo.

Laman ng bag ang cellphone, charger, mga ID at cash na P15,000 .

Nakipag-agawan pa si Labilles sa suspek kaya siya nagkasugat sa hita at paa.

Natanggal ang sumbrero ng suspek kaya niya nakilala at nahulog din ang wallet nito.

Nakita sa wallet ang mga ID ng suspek na si Almonte kaya agad na dumulog sa mga pulis ang biktima.

Sa presinto ay positibong kinilala ng biktima si Almonte na nanghablot ng kanyang bag. Iyon nga lang, hindi na nabawi ang mga gamit na ninakaw.

Itinanggi naman ni Almonte na siya ang nanghablot pero hindi niya maipaliwanag kung paano napunta ang kanyang wallet sa lugar kung saan nangyari ang krimen.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa reklamong robbery. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?