14

By

Kilabot na snatcher sa palengke, nasakote

Sharing is caring!

Kulungan ang bagsak ng isang notoryus na snatcher na gumagala sa Pasig Mega Market sa isinagawang follow up operation, kamakalawa sa Barangay Malinao, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director Reynaldo Biay, nakilala ang suspek na si Ronel Ambra, nasa hustong gulang at residente ng Pasig City.

Kasalukuyang nakakulong si Ambra sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong robbery snatching at paglabaga sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang 5:30 kamakalawa ng umaga nang nasa loob umano ng tricycle ang biktima na si Laura Santos matapos mamalengke sa Pasig Mega Market nang biglang hablutin ng suspek ang kanyang cellphone at bag.

Agad na tumakas ang suspek patungong Vicper compound kaya agad na nagtungo ang biktima sa PCP 3 upang ipaalam ang pangyayari na kung saan ay agad na nagsagawa ng follow-up operation na ikinaaresto ng suspek.

Narekober mula sa suspek ang cellphone at bag ng biktima habang nakuhanan din ito ng isang sachet ng plastic na naglalaman ng shabu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?