514

Nov 29, 2017 @ 15:13
By

Kilabot na holdaper kalaboso sa pakikipagbarilan sa pulis

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang lalaking kilabot na holdaper matapos itong mahuli sa aktong panghoholdap at nakipagbarilan pa sa mga pulis kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sa ulat ng Caloocan Police, alas-sais umano ng gabi nang mangyari ang insidente sa C-3 Road, Pama -Sawata St., Barangay 28.

Nag-aabang ng masasakyan pauwi ang mga biktimang sina Mark Tabuena, 17-anyos, helper, at Eugene Norona, 29, driver, na pawang mga residente ng Barangay Longos, Malabon City nang lapitan ng suspek na si Kenneth Yanga, 20, ng nasabi ring lugar na armado ng baril saka sila tinutukan at nagdeklara ng holdap.

Mabilis na kinuha ng suspek ang mga gamit ng dalawa ngunit saktong napadaan ang isa sa mga tauhan ng Northern Police District-District Special Operation Unit na si PO3 Ernesto Estrella Jr. at nakita ang nangyayari.

Sa tagpong ito sinita ng pulis ang suspek ngunit sa halip na sumuko ay pinaputukan nito si PO3 Estrella saka tumakas.

Humingi ng back-up si PO3 Estrella at sa ginawa nilang follow-up operation ay naaresto si Yanga na nahaharap ngayon sa patong -patong na kasong robbery hold-up, attempted homicide at illegal possession of firearms and ammunitions. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?