1,076

Dec 19, 2017 @ 19:28
By

Kiko sa netizens: Lubayan n’yo na ang babae sa viral road rage video

Sinita ni Senator Kiko Pangilinan ang netizen na nananakot, nang-iinsulto at nagmumura sa babaeng nakunan ng video na nanakit at nagmura sa isang taxi driver.

Ayon kay Pangilinan, bagaman totoo na dapat humingi ng paumanhin at managot sa kaniyang inasal ang babae na nakilala sa pangalang Cherish Sharmaine Interior, hindi pa rin ito dapat na libakin at bantaan sa social media.

“Mali ang ginawa ni Cherish at dapat siyang humingi ng kapatawaran at managot. Subalit sa tindi ng galit natin sa ginawa ni Cherish nagawa ng ilan sa atin na manakot, manlait, magbanta, mang-insulto at manakit ng kapwa. Ano ang pinagkaiba natin kay Cherish?” Sabi ni Pangilinan.

Nakunan ng video na minumura at sinaktan ni Interior ang taxi driver na si Virgilio Doctor, 52 anyos, na nakagitgitan sa kalye sa Quezon City.

Tinangka rin nitong sirain ang sidemirror ng taxi.

Sinabi ni Pangilinan na walang kaibahan ngayon kay Interior ang mga lumalait at nang-iinsulto rito ngayon sa Twitter at Facebook.

“We cannot defeat the wicked with wickedness nor the cruel with greater cruelty because in the end only wickedness and cruelty triumph,” dagdag ng senador.

Ipinagharap na si Interior ng taxi driver ng mga reklamong physical injury, unjust vexation at malicious mischief sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?