73

By

Kiko: Imported rice huwag itambak, ibenta!

Sa halip na bulukin lang sa warehouse ng National Food Authority (NFA) ang mga inangkat na bigas, mas mabuting ibenta ito sa buong bansa.

Ito ang panawagan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kasunod ng pag-amin ng ilang mga opisyal ng NFA na may apat na milyong sako ng imported rice ang nakatambak lang sa kanilang mga warehouse.

Ayon sa senador, dapat ibenta na lang nang mas mura ang mga bigas nito at bilhin ng local government unit at Department of Social Welfare and Development at ipamahagi sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

“Emergency food situation tayo ngayon: ang ating magpapalay hirap sa murang presyo ng kanilang ani, ang mga consumer hirap din sa mahal na presyo ng kanilang pagkain. Kailangan nasa emergency mode din ang ating gobyerno,” sabi ni Pangilinan.

Sa pagdinig ng Senate committee on agriculture and food noong Huwebes, ibinunyag ni NFA administrator Judy Dansal na mahigit apat na milyong sako ng bigas o mahigit 270,000 metro tonelada ang nakatambak lang sa warehouse ng NFA.

Nag-angkat pa umano ang gobyerno ng 1.2 milyong metriko tonelada ng bigas sa taong ito at may may 290,000 MT pa ang hindi naibebenta.

Unang nagpahayag ng pangamba ang mga rice farmer dahil sa patuloy na pagbaba sa presyo ng palay, kung saan ang mga trader ay binibili lamang ang palay sa P7 haggang P10 kada kilo mula sa dating P21.

“Pakinggan at tulungan natin ang mga magsasaka. Unang-una, hindi tamang gutom ang nagpapakain sa atin. Pangalawa, pag gutom ang mga nagpapakain sa atin, magugutom din tayo,” ani Pangilinan.

Sinisisi nila ang Rice Tarrification Law sa pagdagsa ng mga imported rice dahilan para bumulusok ang presyo ng lokal na bigas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?