83

Oct 24, 2017 @ 15:29

Kelot tinarakan sa dibdib, patay

Nagawa pang bigkasin ng isang lalaki ang pangalan ng taong sumaksak sa kanya bago tuluyang bawian ng buhay sa harapan ng kanilang tahanan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

“Beng, Beng, sinaksak ako ni Michael!” ito ang mga huling katagang namutawi mula sa mga labi ng biktimang si Erwin Dayday, 42, walang hanapbuhay, at residente ng Happy Land, Tondo, bago tuluyang binawian ng buhay sa kandungan ng kanyang kinakasamang si Me-Ann Tejero, 19, saleslady.

Samantala, pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na si “Michael”, kapitbahay ng biktima, upang papanagutin sa krimen.

Batay sa ulat ni SPO2 Lester Evangelista, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong alas-siyete ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng kanilang tahanan sa Building 8 ng Happy Land sa Tondo.

Nauna rito, naglalakad umano si Tejero pauwi nang magulantang nang marinig ang boses ng biktima na sumisigaw ng, “Beng, Beng, sinaksak ako ni Michael!”

Humahangos na nilapitan umano ni Tejero ang biktima at kinalong nang makitang may tama na ito ng saksak sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.

Natataranta umanong tinanong ng babae ang biktima kung ano ang pinag-awayan nila ni “Michael” ngunit hindi na ito nakasagot pa at tuluyan nang nawalan ng malay.

Sa tulong ng ilang kapitbahay ay naisugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit patay na ito. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?