109

Nov 15, 2021 @ 17:34
By

Kelot tinakot ikalat nudes, kinikilan ng mag-asawa

Arestado ang isang mag-asawa matapos magreklamo ang isang lalaki na siningil siya nito ng malaking halaga kapalit ng pagbubura ng kanyang mga larawang malaswa.

Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Sabado, kinilala ang suspek bilang ang mag-asawang sina Jimmy at Josie Balenzoga.

Kwento ng biktimang lalaki, may babae siyang naka-meet up matapos makausap sa isang dating app.

Sa loob umano ng motel ay patago siyang kinuhanan ng litrato habang nakahubad.

Tinakot umano ang biktima na ikakalat ang kanyang mga larawan kapag hindi naibigay ang kaukulang halaga.

Samantala, ang mag-asawang Balenzoga naman ang nakatakdang kumuha ng pera mula sa biktima, na nagkakahalaga ng P20,000.

Ikinasa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI-SAU) ang pag-aresto sa mag-asawa matapos ang pagtanggap nito ng kwarta mula sa biktima.

“Grupo sila, so sindikato. Alam niya ang different avenues kung paanong paraan pa nila makukuhaan ng pera ‘yung mga nabibiktima nila,” pahayag ni Atty. Kristine Dela Cruz ng NBI-SAU.

Depensa naman ng mag-asawa, kinausap lang din sila ng babaeng naka meet-up ng biktima at wala umano silang kinalaman sa modus nito.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong robbery-extortion at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act at cybercrime law.

Nakaalerto pa rin ang mga awtoridad upang matunton ang babaeng na meet-up ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?