349

Apr 11, 2021 @ 13:16

Kelot timbog sa curfew, ‘binugbog’ ng mga tanod, basag ang bungo

Nagbakasakaling makahanap ng trabaho ang isang lalaki mula Quezon kaya siya tumungong Laguna, pero doon na siya pumanaw matapos lumabag sa curfew at bugbugin umano ng mga barangay tanod.

Kinilala ang biktima na si Ernanie Lumban Jimenez, 26-taong-gulang na binata galing sa Guinayangan, Quezon. Sinasabing pumunta siya sa Laguna, at nakitira muna sa kapatid, upang maghanap ng trabaho.

Ayon sa pamilya ni Jimenez, sa ulat ng DZBB, Abril 7 ng gabi nang ma-curfew ang lalaki.

Nakasagutan umano ni Ernanie ang mga barangay volunteer sa Purok Dos, Barangay Turbina sa Calamba, na humantong sa ‘pambubugbog’ ng huli sa nauna.

Nagtamo ang binata ng malubhang pinsala sa katawan, basag ang bungo, at bali-bali ang buto.

Sumakabilang-buhay si Jimenez noong Abril 9 sa isang ospital sa Calamba, Laguna.

Napaulat namang tumakas ang dalawa sa apat na ‘nambugbog’ na mga tanod, habang iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.

Samantala, hustisya ang panawagan ng pamilya Jimenez at ng Anakbayan Laguna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?