45

Dec 19, 2017 @ 18:06
By

Kelot tiklo sa ninakaw na motor; 3 pa dinampot sa pot session

Inaresto ang isang miyembro ng robbery holdup group na sangkot sa serye ng pagnanakaw ng motorsiklo habang tatlo pa ang dinampot na kinabibilangan ng isang babae matapos namang maaktuhan na humihithit ng shabu sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Amando Empiso, alas-tres ng madaling-araw naaresto ang mga suspek na sina Ismael Dugan, alyas Barok, 25-anyos, ng Champaca Extension, Barangay 174, Camarin; Andrew Mercado, 34, ng Ilang-Ilang Street, Barangay 174; Roderick Kunis, 41, ng R. Hidalgo Street, Villa Imelda, at Rica Marie Baysa, 27, ng Anonas Street, Area D.

Nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng District Special Operation Unit sa pamumuno ni PSInsp. Robert Bunayug laban sa riding in tandem at iba pang carnapping at robbery holdup group matapos na isang Victoriano Laceste ang mag-report hinggil sa ninakaw na motorsiklo nang makita si Dugan na sakay ng sinasabing motor ni Laceste habang may nakasukbit pang baril sa kanyang beywang.

Nang sisitahin na siya ng pulisya ay bigla na lamang umano itong nagpaharurot ng takbo kaya’t hinabol siya ng mga awtoridad patungo sa bahay ni Mercado at dito’y naaktuhan ang iba pang inaresto na nagsasagawa ng pot session.

Nakuha sa mga ito ang isang improvised shotgun, ilang sachet na naglalaman ng hindi pa alam na gramo ng shabu, mga patalim at drug paraphernalias.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?