85

Dec 4, 2017 @ 15:04
By

Kelot sinaksak, winarak ang mukha ng hollow block

Dedbol ang isang lalaki matapos mapagtripan umano ng hindi pa nakikilalang salarin o mga salarin na pagsasaksakin at bagsakan pa ng hollow block sa mukha nito sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo, ganap umanong alas-dos pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang eskinita sa Phase 7-B, Package 8, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod, habang naglalakad umano pauwi ang biktimang si Rodel Lavinia, nasa hustong gulang, at residente rin sa lugar.

Bagama’t walang nakakita sa pangyayari, lumalabas sa imbestigasyon na pinagsasaksak umano ang biktima at binagsakan pa ng hollow block sa mukha. Ayon naman sa mga residente sa lugar ay nakarinig na lang umano sila ng komosyon na nagmumula sa labas ng kanilang bahay.

Ilang sandali pa ay may umuungol nang tao kung saan dito na nila inusisa ang nangyayari at laking gulat na lamang nang makita ang biktimang naliligo na sa sariling dugo at halos mawasak ang mukha habang may mga basag na bahagi ng hollow block sa paligid ng kanyang ulo.

Naghihingalo pa umano noon ang biktima kaya’t mabilis silang humingi ng saklolo sa kanilang barangay ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito dahil patay na bago pa man makarating ang mga rerespondeng awtoridad.

Blangko naman ang mga pulis, maging ang mga kaanak ng biktima, sa motibo ng suspek o mga suspek, ngunit ayon sa nakatatandang kapatid ni Rodel na nakilalang si Roger Buelia, ay posible umanong pinagtripan ito ng dati nang kaaway na puro mga kabataan.

May naikuwento na umano kasi sa kanila ang kapatid na nakaaway nito ngunit hindi malinaw kung sino ang mga ito at may pagkakataon pang binabato ito sa bahay, na kinukumpirma pa ng mga awtoridad sa ngayon. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?