61

Nov 2, 2019 @ 18:01
By

Kelot niratrat sa harap ng simbahan

Namatay ang 46-anyos na lalaki nang pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng ‘di pa nakikilalang gunman na sakay ng sport utility vehicle (SUV) habang ang una ay naglalakad sa harapan ng Simbahan sa Quezon City, nitong Biyernes ng madaling-araw.

Batay sa ulat kay PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng kaniyang BIR ID na si Roberto S. Aquino, 46-anyos at naninirahan sa Brgy. Teresita, Binangonan, Rizal.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Julius Cesar Balbuena ng CIDU, ang pamamaril ay nangyari bandang ala-1: 20 ng madaling-araw (November 1) sa harapan ng National Shrine of Our Lady of Mt. Carmel na matatagpuan sa kanto ng 5th St., at Broadway Ave., Brgy. Mariana, QC.

Ayon kay Clyde Mendoza, security guard sa Simbahan, nasa guardhouse umano siya nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril kaya agad siyang nagresponde at namataan niya ang ‘di naplakahang kulay itim na SUV na humaharurot papatakas patungong Aurora Blvd., ng nasabing lungsod.

Agad na itinawag ng guwardiya ang naganap na krimen sa Galas Police Station na hanggang sa ngayon ay blanko pa rin kung ano ang motibo sa pamamaril sa biktima at hindi pa rin natutunton ang mga suspek.

Nakasamsam ang SOCO team na pinamumunuan ni PLt. Col. Nellson Sta Maria ng (4) pirasong ‘fired catridge cases, at (1) plastic sachet ng shabu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?