197

Oct 22, 2017 @ 16:52

Kelot nagbitbit ng paltik sa ASEAN venue

Masusing  iniimbestigahan ngayon ng Pasay City police ang lalaki na nagtangkang magpasok ng baril at mga bala sa Sofitel Hotel, kung saan may pagpupulong ang ilang delegado ng ASEAN.

Base sa ulat, alas-3:35 Sabado ng hapon nang arestuhin si Jeffrey Datuin, 24, ng Barrio Obrero Tondo, Maynila, sa loob ng nabanggit na hotel.

Nabatid na ang x-ray operator na si Marivic Vargas ang unang nakadiskubre ng baril at mga bala nang dumaan sa x-ray scanner ang bagahe ni Datuin.

Sa puntong ito, inaresto na si Datuin nina PO1 Adrian Jack Ancheta at PO1 Rolly Ferrer.

Inamin naman ni Datuin na pag-aari niya ang paltik na Caliber .22 at ang walong bala ngunit sinabi na wala siyang masamang intensyon.

Aniya nakalimutan lang niyang iwan ang mga ito sa kanilang bahay nang bitbitin niya ang bag.

Mahaharap sa kasong illegal possesion of firearm si Datuin. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?