628

Sep 26, 2017 @ 15:41

Kelot nagbigti matapos iwan ng asawa

ZAMBOANGA CITY – Isang crew ng fishing company sa Zamboanga City ang nagpakamatay matapos itong iwan ng kanyang asawa na tumangay rin sa kanilang anak matapos na magtalo sa kanilang bahay.

Natagpuan ang bangkay ni Marky Centino, 24, na nakabitin sa kanyang kuwarto. Mismong ang kapatid nitong babae na si Manilyn ang nakadiskubre sa katawan at humingi pa ito ng tulong sa mga kapitbahay ngunit matigas na ang bangkay.

Sinabi pa ni Manilyn na nagtungo ito sa bahay ng kapatid upang ipaalam na namatay na ang kanilang ama. Halos sakluban naman ng langit si Manilyn ng makita ang bangkay ng kapatid. Dalawa na ang ipinagluluksa ng pamilya.

Kinumpirma naman ito ng pulisya at ayon sa inisyal na imbestigasyon ay nag-away ang mag-asawa tatlong araw na ang nakaraan at lubha umanong dinamdam ng lalaki ang paglayas ng kabiyak tangay ang kanilang anak. Selos ang hinihinalang ugat ng pagtatalo ng dalawa.

Hindi pa makunan ng pahayag ang asawa ng nagpatiwakal at hindi rin inilabas ng pulisya ang pangalan nito. (Al Jacinto)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?