180

Nov 27, 2017 @ 16:32
By

Kelot nag-amok sa agawan ng mikropono

Nagulantang ang mga nag-iinuman sa isang bar makaraang magbasag ng bote at mag-amok ang isang lalaki matapos na agawan umano ng awiting kanyang ni-request sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Agad napigilan ang nag-amok na kostumer na nakilalang si Emilio Colambo, 26-anyos, matapos na ireklamo ng mga empleyado ng Blue Grey Kitchenette videoke bar na matatagpuan sa Kamias Road, Brgy. Pinyahan sa nasabing lungsod.

Sa pahayag ni Colambo, kumakanta siya ng awiting may pamagat na “Kasalanan” ng 6Cyclemind nang bigla siyang agawan ng mikropono ng isang lalaking kinalala sa alyas na “Negro” saka sinuntok.

Dahil sa malaking bulas ang nanapak ay ibinigay na lamang umano ni Colambo ang mikropono sa lalaki at saka tumakbo.

Subalit ayon naman sa salaysay ni Rodel Silvino, kusinero at waiter ng bar, si Colambo ang naunang nanggulo matapos na hindi agad nito makanta ang ni-request na awitin. Nagkataong na kay alyas Negro ang mikropono at iisa ang gusto nilang kantahin.

Hindi umano nagkasundo ang dalawa kung sino ang hahawak sa mikropono at doon nagsimula ang gulo.

Dumampot ng bote ng beer si Colambo saka binasag sa lamesa, kaya tumalsik ang mga piraso ng nabasag na bote at nasugatan si Silvino.

Itinanggi ni Colambo ang paratang sa kanya at nanawagan sa mga kasamahan na magsabi ng totoo.

Nabatid na nakaalis na ang lalaking nakagirian sa loob ng bar nang arestuhin si Colambo. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?