By

Kelot, kulong sa pagnanakaw ng arinola

Sharing is caring!

Arestado ang isang lalaki matapos nakawin ang arinola na lalagyan ng perang kinita ng isang grocery store kamakalawa sa Barangay Sta. Lucia, San Juan City.

Nakilala ang naaresto na si Francis Batad y Sorza, nasa hustong gulang at residente ng San Juan City habang nakatakas at pinaghahanap na ng San Juan police ang kanyang kasabwat na nakilala lamang sa alyas na Jessie.

Batay sa report, naganap ang insidente alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng maliit na grocery store na matatagpuan sa No. 219 Maclang St. cor. Padilla St., Barangay Sta. Lucia, San Juan City.

Ayon sa isang empleyado ng grocery na si April Anne Gaton, kahina-hinala ang pagpasok ng dalawang suspek sa kanilang grocery.

Palinga-linga umano ang dalawa hanggang sa magtanong ang isang suspek kung saan umano makikita ang mga tindang de-lata at nang malingat ang empleyado ay agad na kinuha ni Batad ang arinola na pinaglalagyan nila ng kita ng tindahan.

Nagsisigaw si Gaton nang tumakas ang mga suspek hanggang sa marinig ng mga barangay security force ang hiyaw nito at naaresto ang suspek dala ang arinola habang nakatakas naman ang kasama nito.

Nakuha mula sa suspek ang arinola na naglalaman ng P2,070 na kita ng tindahan na kasalukuyang nakakulong sa San Juan detention cell at nahaharap sa kasong theft. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?